Sa ika-13 ng Pebrero sa Las Vegas, Nevada, sasabak nanaman ang ating mga magigiting na boksingero na pinangununahan nina Nonito Donaire Jr. at Gerry Penalosa sa ibabaw ng ring upang bigyan karangalan ang Lupang Hinirang.
Ang tampok na mga bakbakan sa gabing iyon ay pinangalanganang “Pinoy Power 3” o sa ating wika ay “Lakas ng Pinoy 3”. Hinde ko lubos maisip na parang kailan lang ay tila parang inbisibol and Pilipinas sa larangan ng boksing dito sa Amerika. Noong mga panahon na iyon, kapag may Pilipinong lumalaban sa telebisyon sa Amerika, kahit pa sa undercard lang o kaya’y panakip-butas lang sa mga na-injure na dapat lalaban ay tuwang-tuwa na ang mga Pilipino lalo na yung mga masugid na tagahanga ng boksing. Para bang nakita nila mismo ang sarili o kaya kamag-anak nila sa TV kung ipagmalaki nila na Pilipino ang lumalaban.
Biglang isang araw, isang panakip butas and bumutas sa pader na humaharang sa mga Pilipinong boksingero upang lumaban at sumikat dito sa Amerika. And panakip butas na iyon ay walang iba kung hinde si Manny Pacquiao.
Pamalit lang dapat si Pacquiao sa injured na kalaban ni Lehlonoholo Ledwaba noong 2001. Ang Aprikanong Ledwaba nung panahon na iyon ay isa sa mga pinaka-iniiwasanag mga boksingero sa bantamweight division sa buong mundo. Malakas si Ledwaba. Namumulbos ng dibdib parang si Lito Lapid. Kaya nga naman ng pumasok sa huling saglit si Pacquiao ay wala man lang nagbigay sa kanya ng matinong pag-asa upang manalo.
Batang-bata pa si Manny noon. Payat at mukhang 16 lang kahit na 21 na siya. Nung mga panahon na iyon, hinde pa “Pac Man” and tawag sa kanya kundi “The Destroyer”. Wala pa ren siyang mga endorsement deals nuon tulad ng Nike o Head and Shoulders. Kung makita mo nga buhok niya noon, parang binabad niya lang sa Agua-Oxinada kaya kulay kalawang at mukha siyang tambay sa kanto na nabilad ng matagal ang ulo sa araw. Siguro mismo si Manny natatawa na lang ngayon kapag nakikita niya itsura niya nung unang laban niya dito sa Amerika sa MGM Grand sa Las Vegas.
Marahil alam niyo na ang nangyari sa laban na iyon. Kung iisipin ninyo, ang pinamalas ni Manny na tapang, galing at lakas and nag-bukas ng pinto para sa mga Pilipinong boksingero upang lubusang mapansin ng mga banyaga. Sa isip siguro nila, “Aba, malalalakas pala ang mga lintek na ito”.
Sinundan pa iyon ni Manny ng mga sunod-sunod na ekplosibong panalo kontra sa mga malalaking pangalan ng sport tulad nila Erik Morales at Marco Antonio Barrera. Di’ nagtagal, nagdagsaan na ang mga promoter mula sa kung saan-saan upang maghanap pa ng ibang mga Pacquiao sa Pilipinas. Madami ring mga bagong Pilipinong boksingero ang nakarating sa Amerika at lumaban sa malaking entablado.
Matapos ang halos sampung taon, sinong magaakalang magkakaroon ng sariling promosyon dito sa Amerika para lamang maitampok ang mga Pilipino? At hinde lamang Pacquiao and kilala ng mga taong boksingerong Pilipino ngayon. Andiyan si Donaire, Penalosa, Villoria, Concepcion, Sonsona, Banal, Mayol, Gorres, Bautista, Nietes, Casimero at marami pang iba.
Sana huwag nating maliitin ang pagsulong na natamo ng Philippine Boxing nitong nakaraan dekada. Hinde magtatagal, tuluyan na ring magpapaalam ang taong nagbukas ng pinto para magkaroon ng “Pinoy Power 3” ngayon. Sana, hinde sumama sa pag-retiro ni Pacquiao and pagsuporta natin para sa ating mga ka boksingero.
Marami pang susunod sa mga yapak ni Pacquiao at sa kasalukuyang nangangarap at nagsusumikap para marating ang narating niya. Ngunit, singbilis nabuksan ang pinto, ganun din kabilis pwede itong maglaho. Kailangan nating suportahan ang lahat ng ating mga atleta tulad ng ginawa natin kay Pacquiao, sa panalo man o pagkabigo.
Ginawa nila ang lahat ng kanilang makakaya upang umabot tayo sa puntong ito. Isinugal nila ang kanilang buhay at kalusugan para lamang maiwagayway ang watawat ng Pilipinas. Sa hinaharap nating bagong dekada, madoble rin kaya natin ang asenso na ating nakamit nitong nakaraan? Ang masasabi ko diyan ay Oo. Simula pa lang iyan. Ngunit kung itigil natin ang ating pagsuporta, pwede rin itong maging katapusan. Huwag natin hayaan mang-yari iyon. Marami nang mga Pacquiao ang nasayang noong mga panahong wala masyadong pumapansin sa Philippine boxing. Ibinuhos nila lahat para lang mapaligaya, mapag-kaisa at mabigyan karangalan tayong lahat. Ano ba naman ang suprtahan natin ang Pinoy Power na minsan lang sa isang taon ginaganap?